Tanghali na ako nagising kanina at parang feel ko kumain ng Pansit Canton. Di pa man ako nakakapag-hilamos ay lumabas na ako para bumili sa 24hrs na tindahan sa may labasan. Inabot sa akin ang binili kong Lucky Me Pansit Canton Kalamansi Flavor at... watdapak! P9.00 na pala ang pansit canton. Bihira na kasi ako kumain ng noodles kaya di ko alam na ang mahal na pala. Nung hyskul ako, P5.00 palang yun.. Tumaas na pala ng P4.00 sa loob ng limang taon.
Nung college ako, pag nagkaka-gipitan sa allowance, pansit canton ang tinitira namin. Yun ang pagkain ng mga gipit sa pera dati (at syempre sa mga tamad magluto). Pero ngayon na P9.00 na ang panist canton at P8.00 ang instant noodles, maituturing pa ba itong "affordable"? At syempre, ang bottom line, mahal na ang preso ng gasolina kaya mahal na lahat. Eh kapag bumababa ba ang presyo ng gasolina, magbababa din ang bilihin? Hindi! Halimbawa, ilang buwan na ang nakakaraan, tumaas umano ang demand ng asukal sa world market na naging dahilan ng pagbulusok ng presyo ng asukal sa bansa. Ngunit hanggang ngayon ba ay nagkakaroon parin ng ganoong problema? Hindi na po. Subalit bakit ngayon ay P18.00 na ang 1/4 na kilo ng segundang asukal na dating P8.50 lang? Maraming mga katanungan ang nasa isipan ng mga ordinaryong mamamayan ng Pilipinas. Bakit mahal ang asukal gayong nasa Pilipinas ang malalaking 'sugarcane plantation' na pag-aari pa nga ng pamilya ng ating mahal na Pangulo. Bakit gayon na lamang ang mahal ng bigas gayong nasa Pilipinas ang pinaka-malalaking palayan? Kung umaangkat man tayo ng bigas sa mga karatig bansa, hindi rin dapat ganoon kalaki ang deperensya. Ang LPG, tuloy-tuloy din ang pagtaas, magro-rollback lamang ng kaunti ngunit tataas din ng doble o higit pa sa ibinaba. Pati nga uling na dating P150 lang ang sako, ngayon P250 na. Ano na lamang ang gagawin ng mga mahihirap na pamilyang Pilipino? Hanggang reklamo nalang, dahil wala namang magagawa, hindi mo naman pwedeng boykotin ang bigas, asukal at mantika dahil kailangan ito sa pang-araw-araw.
Sa lahat ng ito, kawawa ang mga mahihirap na mamamayan na walang magagawa kundi sikmurain ang pagbulusok ng presyo ng bilihin, maswerte ang mga mayayamang negosyante na nagmo-monopolize ng industriya. Kawawa ang mga drayber na sinisikmura ang pagtaas ng presyong petrolyo, kawawa ang mga pasahero naaapektuhan ng pagtaas ng pamasahe, maswerte ang BIG 3 na tinatawag, mga monopolistikong malalaking kompanya ng langis na tanging nagkakaroon ng benepisyo sa paghihirap ng mga simpleng Pilipino. Kawawa ang mga mahihirap na maysakit na walang magagawa kundi bilhin ang mahal na gamot na pini-prescribe ng doctor, maswerte ang mga malalaking pharmaceutical companies na bumuo ng oligopolyo upang makontrol at mai-fix ang presyo ng mga gamot sa domestik na pamilihan. Ito ang dahilan kung bakit mga bata palang tayo ay naririnig na natin ang mga katagang, "Sa Pilipinas, lalong yumayaman ang mayayaman at lalong humihirap ang mahihirap." Nung bata ako, akala ko lahat tayo ay magiging maalwan ang buhay kung magsisikap lang at magtatyaga, akala ko tamad lang ang nagiging mahirap. Ngunit habang lumalaki ako at nagiging saksi sa kalupitan ng mundo, napagtanto kong hindi lahat ng nagsisikap ay umaangat. Dahil dito sa bansa natin, wala ang tinatawag na "equal opportunity". Equal opportunity to excel, equal opportunity to express, equal opportunity to be heard at equal opportunity to justice. Lahat ng ito ay hindi makikita sa Pilipinas. Sa halos lahat ng pagkakataon (kung hindi man sa lahat), mayayaman lang ang nagkakaroon ng boses.
At kung gaano naman kamahal ang bilihin dito sa aking bansa, siya namang mura ng buhay ng tao. Saan pa ba, kundi dito ka lamang makakakita ng buhay na nakikitil dahil sa cellphone na nagkakahalang P1,000 o mga taong tinutumba ng hired killer na binabayaran ng sampung libo. Dito nabibili ng mura ang hustisya. Naaareglo ang kasong pagpatay o rape sa dalawampung libo at nababayaran ang otoridad para sa proteksyon ng malalaking sindikato. Dito rin mura lang ang dignidad. Mga taong ipagpapalit ang dangal at prinsipyo at sinumpaan sa bayan para sa kaunting halaga gaya ng mga heneral ng hukbong tanggulan na lumilibot sa mundo para magbakasyon gamit ang pera ng bayan. Dito iniiwan ng mga ama, ina at anak ang kanilang pamilya upang makipagsapalaran kapalit ang maliit na halaga at minsan ay nagpapahamak pa sa kanila.
Mahal ko ang Pilipinas, paulit-ulit ko itong sinasabi simula noong kinder kung kailan natutunan kong bigkasin ang Panatang Makabayan at kantahin ang Lupang Hiniranag, para sa akin, napakaganda ng aking bansa, dahilan upang araw-araw ay dalawin ito ng mga turista, ngunit ang mga katotohanan na kumakalabit sa akin sa tuwing nakakakita ako ng batang natutulog sa kalye at nakakapanood ng balita sa telebisyon tungkol sa krimen, kahirapan at korapsyon, di ko mapigilang manghinayang. Ako ay isang Pilipino, nagta-Tagalog, kumakain ng fishball at kwek-kwek, isaw at adidas, mahilig ako sa pansit canton gaya iba kong kababayan at ako ay buhay na saksi sa mga malungkot na pangyayari sa lipunan. Dahil sa pansit canton na kinain ko kaninang agahan, napagtanto kong muli ang isang malaking katotohanan na pilit kong iniiwasan... MALALA NA NGA TALAGA ANG SAKIT NG MAHAL KONG BAYAN.
Ang galing!
ReplyDeleteWOw I am so proud of You Shien... Bright jud ka ! Wala ko naliwat nimo da... tsk tsk tsk
ReplyDelete